Aabot sa ₱126,640.64 halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad sa isinagawang anti-criminality checkpoint operation noong Marso 1, 2026 sa Barangay Daguan, Kapatagan, Lanao del Sur.

Pinangunahan ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Kapatagan Municipal Police Station at 1402nd Regional Mobile Force Battalion 14-A. Sa nasabing operasyon, isang babaeng pasahero ang inaresto matapos madiskubre ang kontrabando sa sinasakyan nitong Rural Transit bus na patungong Cotabato City.

Batay sa ulat, natagpuan ng mga tauhan ng checkpoint ang 148 ream ng White Fort cigarettes na pinaniniwalaang ipinuslit sa bansa. Tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng ₱126,640.64. Nasamsam din ang 18 pares ng iba’t ibang tsinelas na kasama sa kargamento.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Kapatagan Municipal Police Station ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso. Mahaharap ang suspek sa paglabag sa Republic Act No. 10643 o ang Graphic Health Warning Law, at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act. Ang mga nakumpiskang sigarilyo ay nakatakdang ipasa sa Bureau of Customs para sa tamang disposisyon.