Umabot sa mahigit P2M ang tinatayang halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa matagumpay na anti-illegal drug operation sa Marawi City nitong Huwebes. April 10, 2025

Ang operasyon ay pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency – Lanao del Sur Provincial Office (PDEA-LDS PO), katuwang ang 45th Special Action Company (SAC), 500th Engineering Combat Battalion (ECB), Task Force Marawi, at Marawi City Police Station (CPS).

Sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Sabala Manao Proper, naaresto ang isang itinuturing na high-value target (HVT) na si alyas “Orak,” 24 anyos.

Nasamsam mula sa operasyon ang isang itim na garbage bag na naglalaman ng tatlong knot-tied na transparent plastic bags na may hinihinalang shabu.

Tinatayang umabot sa humigit-kumulang 300 gramo ang kabuuang bigat ng droga, na may halagang P2,040,000.

Kabilang din sa mga narekober ang buy-bust money at isang cellphone.

Ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang matagumpay na operasyong ito ay nagpapakita ng masidhing pagtutulungan ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas at ng lokal na pamahalaan ng Marawi City sa kanilang layuning tuldukan ang paglaganap ng iligal na droga sa Lanao del Sur at sa buong Bangsamoro Region.