Mahigit limandaang pamilya ang nakatanggap ng agarang tulong matapos maapektuhan ng pagbaha sa Special Geographic Area ng Bangsamoro region.
Batay sa ulat ng Ministry of Social Services and Development o MSSD, nasa 250 pamilya mula sa Barangay Manaulanan, Tugunan ang nakatanggap ng relief packs noong Miyerkules, September 24. Kabilang sa ipinamahagi ang tig-25 kilong bigas, family food packs, sleeping kits, at hygiene kits.
Samantala, nasa 320 pamilya pa mula sa Malidegao, kabilang na ang mga barangay ng Nabundas, Fort Pikit, at Batulawan, ang nabigyan din ng kaparehong tulong sa isinagawang pamamahagi noong September 20 at 21.
Ayon pa sa MSSD, nakabalik na sa kanilang mga tahanan ang karamihan sa mga residente makalipas ang dalawang araw mula nang bumaba ang tubig-baha.
Kasabay nito, nakipag-ugnayan na rin ang MSSD sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office ng Ligawasan para sa paghahanda ng mas malawak na tugon. Sa datos ng MSSD, tinatayang higit 1,600 pamilya ang naapektuhan sa Raja Muda, halos 1,600 din sa Bagoinged, mahigit 1,200 sa Barungis, at halos 1,700 sa Bulol, habang nasa 814 ang internally displaced persons sa Kabasalan at Buliok.
Dagdag pa ng Municipal Social Welfare Office, uunahin sa distribusyon ng ayuda ang mga internally displaced persons habang nagpapatuloy ang koordinasyon sa LGU at iba pang ahensya para sa transportasyon at dagdag na tulong.
Patuloy namang ina-assess ng MSSD at mga lokal na pamahalaan sa SGA ang kabuuang pinsala upang matiyak na matutugunan ang pangangailangan ng lahat ng apektadong pamilya.

















