Tinatayang P600,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska, habang isang umano’y tulak ng ilegal na droga ang naaresto sa ikinasang operasyon ng pulisya sa Barangay Pagagawan, Datu Montawal nitong Agosto 27, 2025.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Eric,” nasa hustong gulang, na nadakip sa pamamagitan ng isang intelligence-driven operation na naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng lokal na komunidad. Malaking papel ang ginampanan ng impormasyon mula sa mga residente na nag-ulat tungkol sa umano’y ilegal na gawain ng suspek.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Datu Montawal Municipal Police Station ang suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Pinuri naman ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO-BAR, ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon at muling binigyang-diin ang kanilang paninindigan laban sa ilegal na droga at iba pang kriminalidad sa rehiyon.