Arestado ang dalawang high-value individual matapos masamsam ang tinatayang mahigit tatlong kilo ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Maladig, Picong, Lanao del Sur kaninang alas-7:30 ng umaga.

‎‎Kinilala ang mga suspek na sina alias “Ben,” 55-anyos, negosyante at residente ng Gen. Trias, Cavite at alyas Abs, 46-anyos, negosyante at residente ng Talitay, Maguindanao del Norte.

‎‎Batay sa ulat, isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba mula sa Philippine National Police Regional Drug Enforcement Unit at iba pang law enforcement units sa rehiyon.‎‎

Sa isinagawang transaksyon ay iniabot umano ng mga suspek sa poseur-buyer ang isang tea bag na naglalaman ng hinihinalang shabu kapalit ng boodle money.‎‎

Matapos ang pre-arranged signal ay agad na inaresto ng mga operatiba ang dalawang suspek at sinuri ang kanilang sasakyan.‎‎

Dito nadiskubre ang tatlong tea bags na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na tinatayang 3,054 gramo na may standard drug price na mahigit P20.7 milyon.‎‎

Bukod dito ay narekober din ang P500,000 na buy-bust money, dalawang cellphone, mga identification card at isang kulay abong Toyota Fortuner na may plakang NDB 6952.

‎‎Isinagawa ang inventory ng mga ebidensya sa presensya ng kinatawan ng National Prosecution Service at isang halal na opisyal.‎‎

Dinala naman ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng pulisya sa Picong para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

‎‎Ayon sa mga awtoridad, bunga ang matagumpay na operasyon ng halos isang buwang monitoring at intelligence operations laban sa mga suspek.