Ipinahayag ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) sa ilalim ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director, ang buong suporta at mahigpit na pagsunod sa direktiba ni PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief ng Philippine National Police, hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Hazing Law.
Ayon sa PRO BAR, nananatili itong may zero-tolerance policy laban sa hazing. Anumang tauhan na sangkot sa pag-oorganisa, pakikilahok, pagtanggap, o pagpapahintulot sa ganitong gawain ay haharap sa nararapat na administrative sanctions, kabilang ang posibleng tanggal sa serbisyo, at maaari ring panagutin sa ilalim ng batas kriminal.
Kasunod ng iniulat na insidente noong reception rites ng RMFB-14B personnel sa Lamitan City, Basilan, iniutos ni Director De Guzman ang isang malawak at patas na imbestigasyon. Ang lahat ng kaugnay na yunit ay inutusan na tiyakin ang mabilis at makatarungang paglutas ng kaso alinsunod sa due process at umiiral na mga batas. Binigyang-diin na wala ni isang tao ang nakatataas sa batas, at mananagot ang sinumang mapatunayang lumabag.

















