Sa bisa ng Memorandum No. 236, Series of 2025, inatasan ng Pamahalaang Lungsod ng Cotabato ang lahat ng barangay na agad na sumunod sa DILG Memorandum Circular No. 2024-053 na may kinalaman sa Barangay Road Clearing Operations, at sa DILG Memorandum Circular No. 2025-066 hinggil naman sa pangangalaga ng coastal greenbelts.
Layon ng kautusang ito na linisin at ayusin ang mga pampublikong kalsada, bangketa, at iba pang daan upang matiyak ang kaligtasan, kalinisan, at kaayusan sa lungsod. Kabilang sa direktiba ang agarang pagtanggal ng mga ilegal na tindero at mga istrukturang nakaharang sa mga pampublikong lansangan, gayundin ang pagpapaalis sa mga nakatayong bahay o negosyo sa mga lugar na itinuturing na waterways, ilog, sapa, at easement zones.
Mahigpit ding ipinag-uutos ang pagbuwag sa mga istrukturang labag sa Philippine Water Code, partikular na ang mga itinayo sa loob ng tatlong metro sa mga urban area, dalawampung metro sa agricultural area, at apatnapung metro sa mga forest area. Ayon sa pamahalaan, ang mga hakbang na ito ay bahagi ng pagsusumikap na mapanatili ang integridad at kaligtasan ng mga lansangan, mapahusay ang daloy ng trapiko, at maisulong ang malusog at organisadong pamumuhay para sa lahat ng mamamayan.
Sa ilalim ng kautusan, magbibigay ng pagsusuri ang Office of the City Mayor kada dalawang linggo upang tiyakin ang pagsunod ng bawat barangay. Inaatasan ang mga opisyal ng barangay na magsumite ng kumpletong dokumentasyon ng kanilang clearing activities gaya ng mga litrato, logbook, at opisyal na sertipikasyon.
Agad na ipatutupad ang memorandum na ito. Babala ng pamahalaan: ang hindi pagsunod sa utos ay maaaring magresulta sa kaukulang parusa ayon sa umiiral na batas at mga alituntuning administratibo.
Panawagan ng City Government of Cotabato, makiisa ang lahat upang makamit ang isang mas ligtas, mas organisado, at mas maayos na lungsod para sa bawat Cotabateño.