Tiniyak ng Cotabato City Police Office (CCPO) ang mahigpit na pagbabantay sa tatlong barangay sa lungsod sa araw ng halalan, Mayo 12, 2025.
Ayon sa CCPO, ang nasabing paghihigpit ay nakabatay sa mga naunang ulat at datos ng Philippine National Police (PNP) na nagpapakita ng mataas na tensyon sa pulitika sa mga lugar na ito sa mga nakaraang eleksyon.
Bagama’t tumanggi ang mga otoridad na pangalanan ang tatlong barangay bilang bahagi ng kanilang istratehiyang pangseguridad, tiniyak nila na may sapat na puwersang pulis ang idedeploy upang mapanatili ang kapayapaan sa mga lugar na ito.
Pahayag ni Cotabato City Police Director PCol. Jibin Bongcayao, na ay mga identified areas na silang binabantayan batay sa datos ng mga nakaraang halalan. Ayaw nalang malagay sa peligro ang mga botante, kaya magsasagawa sila ng proactive deployment.
Dagdag pa ng opisyal, may mga karagdagang pulis na magbabantay sa mga polling precincts upang masiguro ang ligtas at maayos na pagboto ng mga Cotabatenos.
Sa kabuuan, may 159 voting precincts sa Cotabato City na sumasaklaw sa 37 barangay.
Samantala, nasa 608 na mga pulis mula sa Cotabato City Police Office ang naka-assign upang ipakalat sa lungsod bilang bahagi ng eleksyon security operations.
Katuwang ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga kapulisan sa pagpapatupad ng mga patakaran upang matiyak na magiging mapayapa, maayos, at makatarungan ang halalan sa lungsod.