Pormal na itinalaga si Major General Jose Vladimir R. Cagara bilang bagong kumander ng 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army at Joint Task Force Central sa ginanap na 44th Change of Command Ceremony nitong Nobyembre 11, 2025.
Pinangunahan ni Lieutenant General Antonio G. Nafarrete, Commanding General ng Philippine Army, ang seremonyal na turnover ng pamunuan mula kay Major General Donald M. Gumiran, na naitalaga naman bilang bagong kumander ng Western Mindanao Command.

Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Maj. Gen. Cagara ang pasasalamat sa pamunuan ng Philippine Army sa tiwalang ibinigay sa kanya upang pamunuan ang isa sa mga pangunahing yunit ng hukbong katihan. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng tungkuling ito sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa nasasakupan ng dibisyon.

Bago ang kanyang bagong tungkulin, nagsilbi si Maj. Gen. Cagara bilang kumander ng 1st Brigade Combat Team (BCT) na nakabase sa Pigcalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Isang kasapi ng Philippine Military Academy “Maalab” Class of 1993, si Cagara ay may higit tatlong dekada ng karanasan sa serbisyo militar. Naging bahagi siya ng iba’t ibang posisyon sa pamunuan at kawani ng Philippine Army at Armed Forces of the Philippines, kabilang ang larangan ng intelihensiya, civil-military operations, at mga yunit panglaban sa antas-brigada.

Kabilang sa mga naunang posisyon niya ang pagiging Commanding Officer ng 86th Infantry (Highlander) Battalion, Deputy Brigade Commander ng 1st Brigade Combat Team, at Commanding Officer ng 10th at 16th Intelligence Security Units, AIR, PA. Nagsilbi rin siya bilang Assistant Chief of Staff for Civil-Military Operations, G7, ng 5th Infantry Division.

Nakapagtapos si Maj. Gen. Cagara ng iba’t ibang kurso sa loob at labas ng bansa, kabilang ang Command and General Staff Course, Scout Ranger Course, Advanced Security Cooperation Course sa Hawaii, International Intelligence Application Course sa Texas, at Interdicting Terrorist Organization Course sa Malaysia.
Mayroon din siyang Master’s degree sa Public Management (Development and Security) mula sa Development Academy of the Philippines at Master’s in National Security Administration mula sa National Defense College of the Philippines.

Sa lawak ng kanyang karanasan sa territorial defense, intelihensiya, at civil-military operations, inaasahang tututukan ni Maj. Gen. Cagara ang pagpapatatag ng kahandaan ng 6th Infantry Division at ang pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.

Samantala, pinuri ni Lt. Gen. Nafarrete si Maj. Gen. Gumiran sa pamumunong nakapag-ambag sa pagpapanatili ng katahimikan at katatagan sa Central at South-Central Mindanao. Ang kanyang pagtalaga sa Western Mindanao Command ay patunay ng patuloy na tiwala sa kanyang kakayahan bilang lider-militar.
Dinaluhan ang seremonya ng mga matataas na opisyal ng militar, mga kumander ng brigade at battalion, mga lokal na opisyal, kawani ng dibisyon, mga kinatawan ng midya, at iba pang panauhin.


















