Matagumpay na naisakatuparan ang kasunduang pangkapayapaan o rido settlement sa pagitan ng grupo ni dating Mayor Edris “Resty” Sindatok at ng grupo ni Commander Ustadz Kagui Wahid Tundok ng 118th Base Command, MILF-BIAF, sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Layunin ng kasunduan na tuluyan nang wakasan ang mahigit pitong taong alitan ng dalawang panig na nagsimula pa noong 2017 at nagdulot ng pagkasawi ng maraming sibilyan, pagkasunog ng mga kabahayan, at pagkawasak ng mga ari-arian. Dumalo sa panig ni dating Mayor Sindatok ang kanyang kinatawan na si Ustadz Saad Hashiem Sindatok, kasama sina Barangay Chairman Ebrahim Akil Guno ng Dapiawan, Barangay Chairman Aliarsad Abdulbayan ng Gawang, Commander Zainudin “Haun” Sindatok, Singh Basir Gending, Jamel Masdal Singh, Datu Tammy K. Mamalapat, Abuhalil Dumamba Sabpa, Municipal Councillor Zaldy K. Mamalapat, Barangay Chairman Morsid Adam ng Elian, at Barangay Chairman Muhiden A. Abilusa ng Pamalian.

Mula sa panig naman ni Commander Kagui Wahid Tundok ay dumalo sina Commander Mahdi Adam ng 17th Brigade, Commander Fahad Adam ng Expeditionary Unit, Commander Abdulnasser Kamsa ng 3rd Brigade, Commander Ayob L. Sinsuat ng National Inner Guard Base Command, at iba pang kinatawan ng MILF-BIAF. Kabilang sa mga naging saksi sa kasunduan ang mga kinatawan mula sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, MILF-CCCH, lokal na pamahalaan, at religious sector.

Pinangunahan ang proseso ni BGen. Edgar L. Catu, katuwang ang 1st Brigade Combat Team sa pamumuno nina Col. Romel S. Pagayon, Lt. Col. Loqui O. Marco ng 90th Infantry Battalion, at Lt. Col. Christian V. Cabading ng 92nd Infantry Battalion, sa suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur sa pamumuno ni Governor Datu Ali M. Midtimbang.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni BGen. Catu na ang kasunduang ito ay hindi lamang tagumpay ng dalawang grupo kundi tagumpay ng buong sambayanan.

Iginiit niya na ang tunay na kapayapaan ay nakukuha sa pagkakaisa at hindi sa paghihiganti. Pinuri naman ni Governor Midtimbang ang mga puwersa ng militar at lokal na liderato sa kanilang commitment na wakasan ang rido para sa kapakanan ng mga sibilyan. Nagpahayag din ng suporta si Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, na nagsabing ang kasunduang ito ay patunay na ang diyalogo at kolaborasyon ang pinakamabisang paraan upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan.

Inaasahan na ang kasunduang ito ay magiging daan upang muling makabalik ang mga apektadong mamamayan sa kanilang pamayanan, maisulong ang kaayusan, at maipagpatuloy ang mga programang pangkaunlaran sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan at karatig-lugar.

SOURCE: 601st Infantry Unifier Brigade