Naguguluhan ang Malacañang sa patuloy na gutom na nararanasan ng mga Pilipino sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos, Jr. Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), umabot na sa 7.5 milyong pamilya o 27.2% ng mga kabahayan ang nakakaranas ng involuntary hunger—ang pinakamataas na bilang mula noong Setyembre 2020, sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa isang press briefing, ipinahayag ni Atty. Claire Castro, Press Officer ng Palasyo, na ikinagulat nila ang resulta ng survey. “Aaralin natin kung saan nanggagaling ang ganitong sitwasyon upang malaman natin kung saan may pagkukulang at matugunan ito agad,” aniya.
Tinututukan ng gobyerno ang mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maibsan ang gutom. Kabilang dito ang Food Stamp Program na nagbibigay ng P3,000 buwanang ayuda para sa pagkain, at ang Walang Gutom Kitchen na nagbibigay ng libreng pagkain sa mga lansangan, lalo na sa Pasay City, pati na rin ang Kusinero Cook-Off Challenge at iba pang inisyatiba.
Sa kabila ng mga pagsusumikap, patuloy na kinikwestiyon ng Malacañang kung bakit marami pa ring mga kababayan ang hindi nakakaranas ng sapat na pagkain.