Umabot na sa 565 aftershocks ang naitala sa Kalamansig, Sultan Kudarat matapos ang malakas na lindol noong Enero 20, 2026.

Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, 28 sa mga pagyanig ang naramdaman mismo ng mga residente sa lugar.

Pinakahuli, isang magnitude 3.2 na aftershock ang naitala noong umaga ng Enero 21 sa Kalamansig. Nauna nitong Enero 20 ang mga magnitude 4.2 at 4.4 na aftershocks, na naramdaman hanggang sa mga karatig lugar tulad ng Lebak, Tacurong City, at Pres. Quirino.

Wala namang nakataas na tsunami alert, ngunit patuloy na mino-monitor ng PHIVOLCS ang sitwasyon.

Hanggang ngayon, wala pang naiulat na malalaking pinsala sa mga gusali o iba pang imprastruktura. Gayunpaman, pinapayuhan pa rin ang mga residente na manatiling alerto at maghanda sa posibleng karagdagang aftershocks.