Nagpaalala ang Department of Energy (DOE) sa publiko na posibleng tumaas nang malaki ang presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, epektibo sa Hunyo 24, 2025.

Batay sa kanilang paunang tantiya, ang presyo ng gasolina ay maaaring tumaas ng P2.50 hanggang P3 kada litro, habang ang diesel ay P4.30 hanggang P4.80 kada litro, at kerosene naman ay P4.25 hanggang P4.40 kada litro.

Ayon sa DOE, ang inaasahang paggalaw ng presyo ay dulot ng umiigting na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, na may epekto sa mga rutang pandagat na ginagamit sa pandaigdigang transportasyon ng langis.

Kasabay nito, tiniyak ng ahensya na patuloy nilang mino-monitor ang galaw ng merkado at nananawagan ng pang-unawa mula sa publiko sa gitna ng inaasahang taas-presyo.