Inspired sa Malasakit Center ni Senador Christopher “Bong” Go, isinusulong ni Cavite 4th District Rep. Francis “Kiko” Barzaga ang pagtatayo ng pasilidad na magbibigay ng medikal na tulong para sa mga pusa at aso.

“’Di ba si Senator Bong Go may mga Malasakit Center? Gagawa ako ng ‘Meowlasakit Center’ para sa mga Pusadogs,” biro ng mambabatas na sinabayan pa ng tawa.

Kasabay nito, ipinahayag ni Barzaga ang kanyang suporta sa Pusadog Mobile Barangay Kapon and Vaccination program sa Lungsod ng Dasmariñas, na naglalayong maghatid ng libreng pagpapa-kapon at pagbabakuna sa mga alagang pusa at aso.

Matagal nang kilala si Barzaga bilang tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga hayop at madalas magbahagi ng larawan ng mga pusa at aso sa kanyang mga social media account.