Humiling ngayon ang ilang Civil Society Groups sa lalawigan ng Lanao del Sur na imbestigahan at busisiin ng DILG Central Office, Commission On Audit at Opisina ng Ombudsman ang mga diumano ay maling paggamit ng pondo kung saan sangkot sa katiwalian ang ilang opisyales ng rehiyon at mga kapitan ng barangay sa nasabing lalawigan.
Nag-ugat ang nasabing isyu noong ikatlong linggo ng nakaraang buwan ng Disyembre noong 2024 sa umano’y Special Funds na ipinamahagi ng OCM-BARMM o Opisina ng Punong Ministro sa apat na raang mga barangay sa nasabing lalawigan.
Aabot sa P500,000.00 hanggang P2.5-M ang naipamudmod at idinaan sa Barangay Accounts ng Landbank of the Philippines ng bawat barangay.
Ang nasabi aniyang pondo ay nakalaan umano sa pagkain at gamot bilang tulong ng OCM sa mga mamamayan ng nasabing mga barangay.
Subalit nalito at tila clueless umano ang ilang opisyales ng mga barangay kung paano ito gagamitin dahil sa wala itong malinaw na direktiba o programa na galing sa BARMM Government.
Matapos daw kasi na mailipat ang pondo mula sa opisina ng Punong Ministro patungo sa mga barangay, may mga indibidwal diumano ang nagpakilalang kunektado sa Regional Government at kinulekta ang mga naibigay na pondo at nagiwan ng P200,000.00 dahil gagamitin daw ito umano sa isang ispesyal na operasyon.
Ikinabahala naman ito ng ilang mga opisyales ng barangay dahil discretionary ang naging paglabas ng pondo at kinwestiyon ng mga ito ang legitimacy o ang pagiging totoo ng direktiba ng Regional Government na magbigay o disburse ng pera kahit walang malinaw na programa.
Sinisikap naman ng Star FM Cotabato News Team na makuhanan ng sagot o paliwanag sa nasabing mga paratang ang BARMM Government ngunit wala pa itong tugon.