Isang insidente ng pamamaril ang naganap ngayong umaga ng Abril 12, 2025 bandang 9:30 AM sa Purok Lapayan, Barangay Poblacion 7, Cotabato City.

Kinilala ang biktima na si Cindy Canapia alyas “Pokpok,” tinatayang nasa edad 40, isang lalaking manikyurista at residente ng Purok Tuka Nanis, Brgy. Poblacion 7.

Ayon sa paunang imbestigasyon, habang nagsasagawa ng house-to-house manicure service ang biktima sa naturang lugar, bigla na lamang itong pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin. Walong (8) beses umanong pinaputukan ang biktima gamit ang kalibreng .45 na baril, na agad nitong ikinasawi.

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa ginamit na baril.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan ng suspek.