Naging maayos at mapayapa ang paggunita ng Undas sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ayon sa ulat ng Police Regional Office–BARMM (PRO-BAR).
Batay sa datos ng PRO-BAR, walang naiulat na malaking insidente ng karahasan o kaguluhan sa panahon ng paggunita ng All Saints’ at All Souls’ Day sa rehiyon. Libu-libong pulis ang ipinuwesto sa mga sementeryo, transport terminals, pangunahing kalsada, at iba pang matataong lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Ayon sa PRO-BAR, naging epektibo ang koordinasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan, barangay officials, force multipliers, at mga civic volunteers na nakipagtulungan sa kapulisan para mapanatili ang kaayusan sa mga lugar ng pagdiriwang.
Sa isang pahayag, sinabi ni Police Brigadier General Jaysen de Guzman, Regional Director ng PRO-BAR, na ang mapayapang paggunita ng Undas ay bunga ng sama-samang pagkilos ng mga komunidad at ahensya ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad.
Dagdag pa ng opisyal, magpapatuloy ang PRO-BAR sa mahigpit na koordinasyon sa iba’t ibang sektor upang mas mapalakas pa ang mga hakbang para sa kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

















