Isasailalim ng DepEd Koronadal sa counselling ang dalawang menor de edad na estudyante ng Koronadal National Comprehensive High School o KNCHS na nakumpiskahan ng mga tuyong dahon ng marijuana.
Sa panayam kay Principal Valentin Dignadice, tatagal pa ang proseso kung ihahabla nila ang mga ito na ginawa na rin nila noon sa kahalintulad na kaso.
Dagdag pa ng punong guro, ililipat ang dalawang 17 anyos na estudyante sa mga paaralan na malapit lang sa kanila upang mamonitor ng lubos ng kanilang mga magulang.
Ayon sa pulisya ng lungsod, nabisto ng Prefect of Discipline ng KNCHS ang isang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana na inipit lamang sa panyo.
Nabisto ang naturang kontrabando matapos na ibigay ito ng isa nang estudyante sa kanyang kasama sa loob ng school campus.