Sinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang mas mahigpit na regulasyon laban sa online gambling, partikular na ang paggamit ng mga e-wallet tulad ng GCash at ang pagtaas ng minimum age requirement para sa mga manlalaro.
Ayon kay Gatchalian, dumarami ang kabataang nalululong sa online gambling gaya ng scatter, kaya’t panahon na para higpitan ito. Kabilang sa kanyang panukala ang pagbabawal sa paggamit ng GCash sa pag-top-up ng online gambling accounts, pagtaas ng minimum age mula 18 tungong 21, at pagtatalaga ng minimum bet na ₱10,000 at top-up limit na ₱5,000.
“Ngayon kahit ₱20, makakalaro ka na. Kaya ang dami nating kabataang naaakit. Kaya dapat may limitasyon na,” giit ng senador.
Dagdag pa niya, may penal provisions din sa panukala para sa mga ahensyang bigong ipatupad ang mga patakaran — maaari silang masuspinde, mawalan ng trabaho, o makulong.
Ipinunto rin ni Gatchalian na imbes na ipagbawal nang tuluyan ang online gambling, mas mainam itong higpitan upang hindi tuluyang mapunta sa ilalim ng lupa ang operasyon.
Kasama rin sa kanyang panukala ang pagbawal sa e-sabong, paggamit ng mga influencer sa promosyon, at paglalagay ng mga patalastas malapit sa mga paaralan, simbahan at tanggapan ng gobyerno.
“Hindi ito simpleng laro lang. Isa itong seryosong usapin ng pagkasira ng kabuhayan, lalo na sa kabataan. Kaya dapat may mahigpit na kontrol,” pagtatapos ni Gatchalian.