Ginanap kahapon, Nobyembre 3, 2025 ang isang mapayapang rido settlement sa pagitan ng dalawang grupo na pinamumunuan nina Commander Saya “Taya” S. Said at Barangay Chairman Suharto K. Talintam mula sa Barangay Tugal, Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur.

Idinaos ang kasunduan sa Governor’s Extension Office sa Talayan, Maguindanao del Sur, sa pangunguna ni Governor Datu Ali Midtimbang Sr., Al-Haj, kasama sina BGen. Omar V. Orozco, Commander ng 1st Mechanized Infantry Brigade, at BGen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade. Layunin ng pagpupulong na tuldukan ang matagal nang alitan ng dalawang panig.

Dumalo rin sa aktibidad ang ilang opisyal mula sa militar, pulisya, at lokal na pamahalaan, kabilang sina LtCol. Germen T. Legada ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion, PCol. Sultan Salman Sapal ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office, Vice Governor Hisham Nando, Board Member Yasser Ampatuan, Mayor Allandatu Angas ng Sultan sa Barongis, at dating Mayor Rafsanjani Ali ng Guindulungan.

Sa isinagawang dayalogo, parehong panig ang nagpahayag ng kanilang pagsang-ayon na itigil ang karahasan at magpatuloy sa mapayapang ugnayan alinsunod sa tradisyong Moro ng pagkakasundo at pagpapatawad.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Governor Midtimbang ang kahalagahan ng pagkakaisa at paglimot sa hidwaan upang maiwasan ang karahasan sa lalawigan. Samantala, ipinahayag naman nina BGen. Orozco at BGen. Catu ang patuloy na suporta ng militar sa mga inisyatibong nagtataguyod ng kapayapaan sa pamamagitan ng dayalogo.
Sa isang pahayag, sinabi ni Maj. Gen. Donald Gumiran, Commander ng Western Mindanao Command at 6th Infantry Division, na patuloy na susuportahan ng kasundaluhan ang mga hakbang tungo sa peace mediation at local reconciliation upang tuluyang mawakasan ang mga rido at mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.


















