Nagsagawa ng clearing operations ang tropa ng 601st Infantry (UNIFIER) Brigade bandang alas-8:30 ng umaga ngayong araw sa Barangay Mao, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur. Ang operasyon ay isinagawa base sa natanggap na impormasyon mula sa isang concerned citizen sa lugar.
Bunga ng isinagawang combat patrol at clearing operations, matagumpay na nasamsam ang iba’t ibang uri ng matataas na kalibre ng armas at mga kagamitang pandigma.
Kabilang sa mga nakumpiska ang isang M60 GPMG na may serial number 4710781; dalawang 5.56mm R4A3 rifles na may serial numbers na DL129586 at DL129589; isang 5.56mm M4 rifle na may serial number K347130; isang fabricated 5.56mm Bushmaster rifle na may serial number L889620; at isang Colt 5.56mm M4 rifle na may serial number K347112. Kasama rin sa mga narekober ang siyam na long magazine assemblies, 381 na bala ng 5.56mm ball cartridges, 500 na bala ng 7.62mm linked cartridges, tatlong bandoliers at dalawang pouch.
Bahagi ito ng pinalalakas na hakbang ng militar upang matiyak ang seguridad at kapayapaan sa nalalapit na halalan.
Ayon sa 601st Brigade, malaking tulong ang impormasyon mula sa mga mamamayan upang maiwasan ang mga posibleng insidente ng karahasan o krisis.
Patuloy nilang hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan sa komunidad.