Nagpakita ng matibay na ugnayan ang Philippine Army at Philippine Marine Corps sa sunod-sunod na pagbisita ng kanilang matataas na opisyal sa Kampilan headquarters sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Hulyo 21, 2025.
Pinangunahan ni Major General Vicente Map Blanco III, Commandant ng Philippine Marine Corps, ang unang pagbisita kung saan binigyang-pugay siya ng buong yunit sa pamamagitan ng full military honors. Mainit siyang tinanggap ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, kasama ang mga senior officers, enlisted personnel, at civilian human resource ng kampo.
Bilang bahagi ng kanyang opisyal na itineraryo, nagtungo rin si Maj. Gen. Blanco sa Camp Iranun sa Barangay Togaig, Barira, Maguindanao del Norte upang pangunahan ang Change of Command Ceremony ng 1st Marine Brigade—isang mahalagang bahagi sa pagpapatatag ng epektibong pamumuno sa operasyon ng Marines.
Si Maj. Gen. Blanco ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Sambisig” Class of 1991. Nakapagtapos siya ng iba’t ibang lokal at internasyonal na military training gaya ng Intelligence Officer Course, Naval Officer Staff Course, at AFP Command and General Staff Course. Kilala rin siya sa kanyang natatanging serbisyo na ginawaran ng mga parangal tulad ng Gold Cross Medal, Distinguished Navy Cross, Distinguished Service Star, at iba’t ibang commendation at merit medals.
Samantala, sa hapon ding iyon, dumating rin sa Camp Siongco si Brigadier General Gregorio Buenviaje Hernandez Jr., Commander ng Combat Support Brigade ng Philippine Marine Corps. Katulad ni Maj. Gen. Blanco, pormal din siyang sinalubong ng yunit at ginawaran ng military honors. Malugod siyang tinanggap ni Maj. Gen. Gumiran.
Si Brig. Gen. Hernandez ay miyembro ng PMA “Tanglaw-Diwa” Class of 1992 at nagsimula bilang Intelligence Officer sa Marine Battalion Landing Team 6. Nagsilbi rin siya bilang Deputy Commander ng 4th Marine Brigade sa Sulu at nakatapos ng iba’t ibang military courses sa loob at labas ng bansa.
Ang sunod-sunod na pagdalaw ng mga matataas na opisyal ay nagpapakita ng solidong ugnayan at koordinasyon ng Philippine Army at Philippine Marine Corps upang isulong ang kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa buong rehiyon ng Mindanao.