Patuloy na pinaiigting ng kasundaluhan ang kampanya laban sa loose firearms sa lungsod ng Cotabato, bilang bahagi ng paghahanda para sa nalalapit na eleksyon.
Ito ang binigyang-diin ni Lt. Col. Roden Orbon, Commanding Officer ng 6th Civil-Military Operations (Kasangga) Battalion, dahil sa mas pinaigting na Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program at pakikipagtulungan ng mga operatiba ng Cotabato City Police Office ay matagumpay na naisuko ang mga kagamitang pandigma. Dahil dito, isang simpleng ceremonial turnover ng anim na loose firearms ang isinagawa sa himpilan ng 6CMO Bn sa PC Hill, Cotabato City kaninang umaga, Setyembre 25, 2024.
Kabilang sa mga isinuko ay isang 5.56mm AR4 Carbine, isang 5.56mm M4A1 Carbine Rifle, isang 5.56mm M4 Carbine Rifle, isang 5.56mm cal.223 Bushmaster, at isang 5.56mm M16.
Dumalo sa turn-over ceremony sina Hon. Datu Edris A. Pasawiran, Barangay Chairman ng Kalanganan II; Hon. Norhassim A. Pasawiran, Barangay Chairman ng Bagua Mother; mga kapulisan ng Cotabato City Police Office at myembro ng Kampilan Defense Press Corps.
Una nang sinabi ni Maj. Gen. Antonio Nafarrete, Division Commander ng 6ID at JTF Central, na layunin ng SALW Management Program na masiguro ang isang mas ligtas na pamayanan at masawata ang paglaganap ng mga loose firearms.
“Nagagalak ang 6ID at JTF Central sa ipinapakitang suporta ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno lalong lalo na sa mga kapulisan at myembro ng Barangay Council sa pagbawas at pagpangasiwa sa paglaganap ng mga loose firearms. Ang lahat ng ating pagsisikap at ambag sa pagtupad sa mga layunin ng SALW Management Program ay magreresulta sa kaunlaran, kapayapaan at siguridad ng mga mamamayan ng Cotabato City.”, ayun kay Maj. Gen. Nafarrete.