Nasabat ng mga elemento ng 1st Mechanized Battalion ang (9) siyam na mga matataas na kalibre ng armas sa mas pinaigting na operasyon laban sa paglalansag sa mga loose firearms at pagtugis sa mga armadong grupo sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Lt. Col. Robert F. Betita, pinuno ng 1st Mech Bn, nagsasagawa ng operasyon ang kanyang mga tauhan sa bahagi ng Sitio Madanding, Brgy Angkayamat, Sultan Sa Barongis, Maguindanao Del Sur, alas-6:30 ng umaga kahapon (August 18, 2024) makaraang makatanggap ng sumbong mula sa mga residente hinggil sa presensiya ng mga armadong grupo.
“Iniwan ng mga suspek itong mga baril matapos na matunugan ang tropa ng kasundaluhan, bagamat patuloy ang ating pagtugis sa mga tumakas na mga suspek”, wika ni Lt. Col. Betita.
Kabilang sa mga kagamitang pandigma na nasabat ng militar ay ang mga sumusunod: isang 5.56mm, M16A1 rifle; isang 5.56mm, Ultimax rifle; dalawang Cal .30, Garand rifle; dalawang 7.62mm, M14 rifle; isang Cal .50 Barret, isang RPG launcher, isang GL, 40mm, M79; mga magasin at iba’t-ibang uri ng mga bala.
Maliban dito ay nasamsam din ng mga sundalo ang nasa labindalawang mga IDs, isang Landbank ATM Card, tatlong bandolyer at apat na sling bag.
Una na ring nagbabala si Major General Antonio G. Nafarrete PA, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central sa mga humahawak pa ng di lisensyadong baril na isuko na ito sa ating mga otoridad dahil tuloy-tuloy ang pagtugis ng tropa ng pamahalaan sa mga nagdadala ng loose firearms.
“Binabati ko ang ating mga kasundaluhan sa mahusay na pagganap sa kanilang tungkulin kung saan ang pagkakasamsam ng mga kagamitang pandigma na ito ay katumbas ng ating kapayapaan at seguridad sa lugar. Dagdag pa rito, nais naming tiyakin sa mga residente ng bayan ng Sultan Sa Barongis sa Maguindanao del Sur na ang inyong mga sundalo mula sa JTFC at 6ID ay nakatuon sa paglilingkod sa mga tao at sa pagprotekta sa mga komunidad” ani Maj. Gen. Nafarrete.