Muling tiniyak ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nananatiling matatag at maayos ang pakikipag-ugnayan nito sa Malacañang, partikular sa Office of the Special Assistant to the President (OSAP) na pinamumunuan ni Secretary Antonio “Anton” F. Lagdameo Jr.
Nilinaw ng opisyal ng rehiyon na walang hindi pagkakaunawaan o tensyon sa pagitan ng dalawang panig, taliwas sa mga lumalabas na espekulasyon habang papalapit ang kauna-unahang parliamentary election ng Bangsamoro sa darating na Oktubre 13.
Ayon sa pamunuan ng BARMM, nananatiling matibay ang kanilang partnership at patuloy na nagtutulungan para sa kaunlaran ng rehiyon at kapakanan ng mga Bangsamoro.
Matatandaan na ni MP Naguib Sinarimbo na dating nagsilbing minister of interior and local government ng BARMM, ay nagpahayag ng papuri kay SAP Lagdameo dahil sa kanyang aktibong pakikilahok at masusing pagbibigay-pansin sa mga usapin ng rehiyon. Inilarawan niya ang presidential aide bilang isang opisyal na tunay na may malasakit at nakatutok sa pagtugon sa pangangailangan ng Bangsamoro.
Binigyang-diin din ng liderato ng BARMM na ang istilo ng pamumuno ni Lagdameo ay nagsisilbing huwaran ng paglilingkod-bayan na inuuna ang kapakanan ng nakararami kaysa sa pansariling interes.
Ang muling pagtitiyak na ito ay kasabay ng paghahanda ng BARMM sa makasaysayang halalan, kung saan unang ihahalal ang mga magiging miyembro ng Bangsamoro Parliament sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.

















