Bumisita si Major General Pedro C. Balisi Jr., Commander ng Armor (Pambato) Division ng Philippine Army, sa headquarters ng 6th Infantry (Kampilan) Division noong Hulyo 28, 2025.

Mainit siyang sinalubong ng buong pamunuan ng 6ID sa pangunguna ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central (JTFC). Ipinagkaloob kay Maj. Gen. Balisi ang nararapat na military honors bilang pagkilala sa kanyang serbisyo. Kasama rin sa pagtanggap sa kanya ang mga opisyal, enlisted personnel, at civilian workforce ng Division.

Layon ng pagbisita na palalimin pa ang ugnayan at suporta sa pagitan ng Armor Division at 6ID, partikular sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa Central at South Central Mindanao. Naging pagkakataon din ito upang pagtibayin ang koordinasyon sa operasyon at pasiglahin ang morale ng mga tropa sa field.

Si Maj. Gen. Balisi ay tubong Tuguegarao City, Cagayan Valley at miyembro ng Philippine Military Academy “Tanglaw-Diwa” Class of 1992. Sinimulan niya ang kanyang karera bilang Platoon Leader at Company Commander ng Charlie Company, 29th Infantry Battalion. Nagsilbi rin siya bilang Operations Officer, Production Officer, at Counter Intelligence Officer sa ilalim ng OG2, 4th Infantry Division.

Noong 2014, itinalaga siya bilang Commanding Officer ng 1st Mechanized Infantry Battalion kung saan pinangunahan niya ang maraming matagumpay na operasyon na malaki ang naitulong sa internal security efforts ng bansa.

Malawak din ang karanasan ni Maj. Gen. Balisi sa pagsasanay militar, sa loob at labas ng bansa. Kinilala siya sa pamamagitan ng iba’t ibang parangal dahil sa kanyang kahanga-hangang serbisyo—mapa-combat man o administratibo.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang pamunuan ng 6ID sa naging pagbisita ng heneral at binigyang-diin ang kahalagahan nito sa pagpapaigting ng koordinasyon at matatag na ugnayan ng iba’t ibang yunit ng Army.