Mariing kinondena ni Shariff Aguak Mayor Datu Akmad Mitra Ampatuan ang magkakasunod na pagpapasabog ng hindi pa matukoy na mga elemento na nagdulot ng matinding takot at pangamba sa mga residente ng bayan. Ayon sa alkalde, malinaw na layunin ng mga nasa likod ng panggugulong ito na sirain ang kapayapaan at katahimikang matagal nang tinatamasa ng komunidad.

Binigyang-diin ng alkalde na maraming pagsubok na ang napagdaanan ng Shariff Aguak, at paulit-ulit nang napatunayan ang katatagan ng pamahalaan at ng mamamayan. Hinimok niya ang mga tinukoy niyang “spoilers of peace” na itigil ang ganitong uri ng karahasan dahil wala itong maidudulot na mabuti at lalo lamang nitong inilalagay sa panganib ang mga inosenteng sibilyan.

Kasabay nito, binigyang-pansin ni Mayor Ampatuan ang mga sibilyang pinakaapektado ng insidente, partikular ang mga kabataan, matatanda, at kababaihang natakot at napinsala ang kabuhayan. Ilan pa nga ay nagtamo ng matinding sugat dahil sa pagsabog.

Kabilang sa mga nasugatan sina Ryan Pendatun Obpon, 51 anyos; Abdulazis S. Saludin, 20 anyos; Nasrullah Dukay Unayan, 27 anyos; at Jonalyn A. Mamay, 24 anyos — pawang mga residente ng Mother Poblacion, kung saan naganap ang isa sa mga insidente ng pagsabog.

Giit ng alkalde, mananagot sa batas ang sinumang nasa likod ng karahasang ito at tiniyak niyang patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan at mga awtoridad upang mapanagot ang mga responsable. Bukod dito, nanawagan siya ng pagkakaisa sa gitna ng panibagong banta, lalo pa’t nakamit na ng BARMM ang mas maayos at mapayapang pamamahala, na dapat aniya ay pangalagaan at hindi sirain ng kaguluhan.