Iginiit ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao na walang masama sa pagtatatag ng mga political party para sa nalalapit na BARMM Parliamentary Elections sa Setyembre 2026 dahil ito ay bahagi ng demokrasya.

Ipinagtanggol ng alkalde ang desisyon ni Vice Mayor Sultan Johair Madag na sumapi sa Bangsamoro Federalist Party at sinabing ito ay kanyang karapatan na dapat igalang.

Binigyang-diin ni Matabalao na hindi dapat kondenahin o paratangan ng pagtataksil si Madag sa United Bangsamoro Justice Party dahil sa naturang hakbang.

Binigyang-pugay din ng alkalde ang ambag ni Madag bilang bahagi ng “Big 5” na nagsulong ng YES vote sa Bangsamoro Organic Law sa Cotabato City.

Tiniyak ng alkalde na nananatiling buo ang 12-0 administration sa kabila ng pagkakaiba-iba ng partidong kinabibilangan ng mga opisyal.

Ayon pa kay Matabalao, napagkasunduan nila ng Vice Mayor at ng iba pang opisyal na hindi isasakripisyo ang serbisyo publiko dahil lamang sa pulitika.

Nanawagan ang alkalde sa publiko na iwasan ang panghuhusga at paninira at sa halip ay panatilihin ang pagkakaisa para sa ikauunlad ng Bangsamoro.