Sinabi ni Re-elected Cotabato City Mayor Bruce Matabalao na posibleng ito pa lamang ang kanyang unang termino bilang alkalde ng lungsod.

Sa panayam kay Matabalao, inihayag nitong kasalukuyan siyang naka- Motion for Reconsideration (MR) matapos ang 2022 elections, at hindi pa aniya pinal ang kanyang pagkakaupo noon dahil sa nakabinbing desisyon kaugnay ng mga electoral protest.

Kung madideklarang hindi siya ang tunay na nanalo noong 2022, ang kanyang bagong pagkapanalo ngayong 2025 ang maituturing na kanyang unang opisyal na termino bilang mayor ng Cotabato City.

Wala pang pinal na anunsyo mula sa Commission on Elections (COMELEC) ukol sa resulta ng mga reklamong isinampa kaugnay ng nagdaang halalan, ngunit patuloy ang paninindigan ni Matabalao na handa siyang tanggapin ang anumang desisyon ng batas.

Muling nanalo si Matabalao sa katatapos lamang na 2025 National and Local election, at sinusuportahan ito ng mga Cotabateños para sa pormal at maayos na panunungkulan bilang halal na mayor ng Cotabato City.