Personal na nagtungo ngayong hapon si Pasig City Mayor Vico Sotto sa Comelec Political Finance and Affairs Department upang magsampa ng reklamong election overspending at perjury laban sa kanyang katunggaling si Sarah Discaya, na tumakbo rin bilang alkalde.
Ayon kay Mayor Sotto, lumabag si Discaya sa mga regulasyon ng Comelec hinggil sa tamang paggamit ng campaign funds.
Binanggit din ng alkalde na may mga hindi tugmang impormasyon sa mga dokumentong isinumite ni Discaya, dahilan upang magsampa siya ng kasong perjury.
Matatandaang si Discaya ay Chief Financial Officer ng St. Gerard Construction General Contractor and Development Corp., at naging sentro ng kontrobersya noong nakaraang halalan sa Pasig.
Noong 2025, nakakuha si Sotto ng mahigit 351,000 boto, malayo sa halos 29,000 boto lamang ni Discaya, batay sa opisyal na resulta ng Comelec.
Kinumpirma ng komisyon na natanggap na nila ang reklamo at sisimulan ang pag-aaral sa mga ebidensyang isinumite.
Ayon sa batas, ang election overspending ay maaaring magresulta sa disqualification at posibleng kasong kriminal laban sa kandidato.

















