Ipinagkakatiwala ni mayoralty candidate JV Martinez sa kapulisan at militar ang seguridad ng kanyang grupo at mga tagasuporta sa pagsisimula ng kampanya para sa nalalapit na halalan.

Sa naging panayam ng Star FM Cotabato, sinabi ni Martinez na hindi siya manghihimasok sa imbestigasyon kaugnay ng pananambang sa kanyang katambal sa pagka-bise alkalde, aniya, may mga awtoridad na dapat humawak ng usapin. “Naniniwala tayo sa batas at hustisya,” dagdag niya.

Samantala, kinuwestyon ni Martinez ang pahayag ni dating Maguindanao Governor Toto Mangudadatu na wala siyang tsansang manalo at hindi na itinuturing na kaanak ng pamilya Mangudadatu.

Aniya, matagal na siyang residente ng Buluan mula pa noong 1995 at may karapatan siyang tumakbo sa anumang posisyon.

Nanawagan din si Martinez sa kanyang mga katunggali na hayaan ang taumbayan na malayang makapili ng kandidato nang walang pananakot o panggigipit.

Sa kabilang banda, mahigit 2,000 residente ng Buluan ang nakinabang sa isang medical mission na isinagawa ng Provincial Government ng Maguindanao del Sur.