Nagpaalala ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE-BARMM) sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng bayad o koleksyon kapalit ng plantilla teaching positions sa kanilang tanggapan.
Sa inilabas na pahayag ng ahensya, binigyang-diin nito na ang mga posisyon sa pagtuturo ay hindi ipinagbibili at kailanman ay hindi magiging bahagi ng anumang transaksiyong may bayad o solicitation.
Ayon sa MBHTE, lahat ng proseso ng hiring ay nakabatay sa merit, kwalipikasyon, at integridad, kung saan ang bawat hakbang sa recruitment at selection ay dumaraan sa masusing beripikasyon upang matiyak ang patas at tapat na pagpili ng mga aplikante.
Mariin ding pinayuhan ng MBHTE ang publiko na mag-ingat laban sa mga indibidwal o grupong nag-aalok umano ng posisyon kapalit ng pera, dahil wala umanong sinumang awtorisadong kolektor o middleman na pinahintulutan ng ahensya na manghimasok sa proseso ng pagtanggap ng mga guro.
Babala pa ng MBHTE, ang sinumang mapapatunayang sangkot sa iligal na gawain tulad ng pagbebenta ng posisyon, “fixing,” o pangingikil ng bayad ay sasampahan ng kaukulang kasong administratibo, sibil, at kriminal.
Ang paalala ng MBHTE ay bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaang Bangsamoro para sa transparency at good governance sa sektor ng edukasyon.