Walang sama ng loob ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE-BARMM sa mga gurong umatras sa pagseserbisyo para sa nalalapit na halalan sa rehiyon ng Bangsamoro.

Ayon kay MBHTE Minister Mohaqer Iqbal, karapatan ng mga guro ang magpasya kung nais nilang magsilbi o hindi sa eleksyon.

Dagdag pa niya, may ilang guro sa Marawi at Maguindanao del Norte ang nasampahan ng kasong administratibo na kasalukuyang nakabinbin sa kanilang tanggapan.

Inihalintulad ni Iqbal ang kalagayan ng mga guro sa isang bibingka na mainit sa ibabaw at mainit din sa ilalim, bilang paglalarawan sa presyur na kinakaharap ng mga ito.

Aniya, kaya’t may mga gurong piniling hindi na lamang magsilbi ngayong halalan upang umiwas sa posibleng kontrobersya o panggigipit.

Sa kabuuang 29,000 na mga guro sa buong Bangsamoro region, nasa 12,000 lamang ang nagkumpirma ng kanilang paglahok bilang election workers.