Handang-handa ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) na harapin ang isasagawang special audit ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa ulat na gumasta umano ang ahensya ng ₱1.7 bilyon sa loob lamang ng isang araw.

Ayon kay MBHTE Minister Mohagher Iqbal, walang katotohanan at walang basihan ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya at sa kanilang tanggapan.

Giit pa ni Iqbal, bukas sila sa gagawing imbestigasyon ng COA upang tuluyang maibasura ang mga walang saysay na paratang.

Matatandaang kahapon, ipinadala ng COA ang isang liham sa Bangsamoro Government kung saan inilatag nito ang naturang umano’y iregularidad—na agad namang tinugunan ng rehiyonal na pamahalaan.