Ginahasa umano ang isang 5-taong gulang na batang babae sa Purok 7, Brgy. Talisawa, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur noong Pebrero 20, 2025, bandang 3:00 PM.
Kinilala ang biktima bilang si alyas “Dayday,” isang residente ng naturang barangay. Ang suspek naman ay si alyas Noel, 70-anyos, may asawa, at isang magsasaka, na nakatira rin sa parehong lugar.
Ayon sa ulat, habang naglalaro sa labas ng kanilang bahay ang biktima, tinawag umano siya ng suspek at pinapunta sa isang abandonadong bahay malapit sa kanilang tirahan. Doon ay pinaghihinalaang hinalay ng suspek ang bata sa pamamagitan ng malaswang paghawak at pagdila sa kanyang maselang bahagi.
Agad na iniulat ng lola ng biktima ang insidente sa Datu Abdullah Sangki Municipal Police Station (DAS MPS) noong Pebrero 21, 2025, bandang 4:30 PM, kasama ang VAW Desk Officer at isang kagawad ng barangay.
Agad na umaksyon ang pulisya sa pangunguna ni PLTCOL Glenn Mar B. Avisa, hepe ng DAS MPS, at dinala ang biktima sa istasyon para sa mas malalim na imbestigasyon. Isinagawa rin ang follow-up operation na nagresulta sa pag-aresto ng suspek, na agad namang binigyan ng kanyang mga karapatang konstitusyonal.
Samantala, inasistehan ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng DAS MPS ang biktima para sa medico-legal examination. Kasalukuyang inihahanda ang mga dokumento para sa agad na pagsasampa ng kasong kriminal laban sa suspek, alinsunod sa **RA 8353 o Anti-Rape Law of 1997.
Ipinagkatiwala na rin ang biktima sa Municipal Social Worker para sa tamang counseling at psychosocial intervention.