Nagpalabas ng mga alituntunin ang Ministry of Finance, Budget, and Management (MFBM) kaugnay sa pagbibigay at paggamit ng financial subsidy para sa mga bagong likhang Local Government Units (LGUs) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang naturang subsidy ay inilaan upang matulungan ang mga bagong LGU’s sa kanilang operasyon habang hindi pa nila natatanggap ang kanilang bahagi mula sa National Tax Allotment (NTA).
Ito ay bahagi ng Local Government Support Fund sa ilalim ng FY 2025 General Appropriations Act of the Bangsamoro, na naglalayong tiyakin ang sapat na pondo para sa mga pangunahing serbisyo at proyekto sa mga bagong tatag na lokal na pamahalaan.
Ayon sa MFBM, ang guidelines na inilabas ay magsisilbing gabay sa maayos at transparent na paggamit ng pondo upang matiyak na ito ay magagamit nang tama at ayon sa layunin.
Saklaw ng panuntunan ang proseso ng pag-apruba, pamamahagi, at pagmo-monitor sa paggamit ng financial subsidy upang matiyak ang tamang paggugol ng pondo para sa kapakanan ng mga residente sa bagong likhang LGUs sa BARMM.