Gagamitin ng 6th Infantry Kampilan Division (6ID) bilang kapital at sandigan ang lahat ng karanasan, natutunan, at aral mula sa May 12 elections para sa paghahanda sa darating na kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Oktubre 13.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato, inihayag ni Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6ID, na kanilang babalansehin at pagtitibayin ang mga plano sa seguridad batay sa naging karanasan nila sa nakaraang halalan.
Aniya, agad silang makikipag-ugnayan sa Joint Security Control Centers upang plantsahin ang mga estratehiya at koordinasyon para matiyak ang mapayapa, patas at kapani-paniwalang halalan sa buong Bangsamoro region.
Dagdag pa ni Orbon, mahalaga ang ganitong paghahanda upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan at matiyak ang tagumpay ng makasaysayang eleksyon sa BARMM.