Limang residente ng Tungawan, Zamboanga Sibugay ang boluntaryong nagsumite ng iba’t ibang loose firearms at isang hand grenade sa isang peace and security activity na isinagawa sa Headquarters ng Bravo Company ng 106th Infantry Battalion sa Sitio DK, Brgy. Libertad, noong Pebrero 7, 2026.
Ayon sa ulat, kabilang sa isinumiteng armas ang isang .50 caliber rifle, isang US Carbine caliber .30 M1 rifle, dalawang shotguns, isang .38 caliber revolver, isang 5.56mm pistol, isang 12-gauge pistol shotgun, at isang hand grenade. Ang pagsusumite ay bahagi ng Localized Normalization Program at Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program, na naglalayong bawasan ang paglaganap ng loose firearms sa komunidad.
Matapos ang turnover, agad na dinala ang mga armas at explosive sa Headquarters ng 106th Infantry Battalion sa Brgy. Lower Baluran, Imelda, Zamboanga Sibugay para sa dokumentasyon, beripikasyon, at disposisyon alinsunod sa umiiral na patakaran.
Ayon sa militar, ang boluntaryong pagsusumite ay nagpapakita ng pakikipagtulungan ng komunidad sa mga programang pangkapayapaan at pangseguridad sa rehiyon. Nanatiling aktibo ang 1st Infantry Division sa pagpapatupad ng Normalization Program at Small Arms Management upang mapigilan ang paglaganap ng loose firearms sa Western Mindanao.


















