Nasamsam ng militar ang limang matataas na kalibre ng armas sa isinagawang operasyon sa bayan ng Talitay, Maguindanao del Norte.
Ayon sa ulat, bandang alas-2:00 ng hapon noong Marso 20, 2026 nang magsagawa ng combat patrol ang mga tropa ng 1st Mechanized Infantry Battalion sa Barangay Gadungan, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa komunidad hinggil sa presensya ng armadong grupo sa lugar.
Sa pagdating ng mga sundalo, agad umanong nagpulasan ang mga hinihinalang armadong indibidwal sa iba’t ibang direksyon. Sinundan pa ito ng pursuit operation ng militar ngunit hindi na naabutan ang mga suspek.
Sa isinagawang clearing operation, narekober ang iba’t ibang uri ng armas at kagamitang pandigma na pinaniniwalaang iniwan ng naturang grupo.
Kabilang sa mga nasamsam ang isang M16A1 rifle, isang M14 rifle, dalawang M653 carbines, isang M79 grenade launcher, mahigit dalawampung magasin, at ilang 40mm rifle grenades.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. William Sabado bilang bahagi ng pinaigting na seguridad kaugnay ng nalalapit na pagtatapos ng Ramadan.
Sa pahayag ng opisyal, patunay aniya ito ng maagap na aksyon ng militar kasunod ng pakikipagtulungan ng komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng 601st Infantry Brigade at Joint Task Force Central na magpapatuloy ang kanilang operasyon upang matunton ang mga responsable at tuluyang masugpo ang banta ng karahasan sa lugar.
Hinihikayat din ng militar ang publiko na patuloy na makipag-ugnayan sa awtoridad at iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

















