Isinailalim sa malawakang clearing operation ang paligid ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) ngayong Huwebes, Hulyo 10, bilang tugon ng lokal na pamahalaan sa matagal nang isyu ng pagsisikip at kawalan ng kaayusan sa mga bangketang sakop ng ospital.

Pinangunahan ng Cotabato City LGU sa pamumuno ni Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao ang operasyon, katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP), City Public Safety Office (CPSO), at Cotabato City Police Office (CCPO).

Matagal nang inirereklamo ang siksikan at masikip na lagay ng mga stall at tindang nakaharang sa bangketa, na hindi lamang nagdudulot ng abala sa mga dumaraan kundi nagiging potensyal na banta sa kalinisan at kalusugan. Sa isinagawang operasyon, tumambad ang mga bara sa kanal at mga pesteng nagkukubli sa mga istrukturang itinayo nang walang pahintulot.

Ayon kay Mayor Matabalao, ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya para sa kalinisan, kaayusan, at kaligtasan sa mga pampublikong espasyo lalo na sa mga lugar na dinarayo ng mga pasyente at motorista araw-araw.

Nagpaalala rin ang alkalde sa mga illegal vendors sa lungsod na huwag nang hintayin ang sapilitang pagpapaalis. Imbes ay hinihikayat silang makipag-ugnayan sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) upang maayos na maihanap ng alternatibong pwesto ang kanilang hanapbuhay, sa paraang legal at ligtas.

“Hindi natin layunin ang tanggalin ang kabuhayan ng sinuman, kundi ilagay ito sa tamang lugar para ligtas ang lahat,” ani Mayor Bruce.