
NAKATANGGAP ng tulong ang mga estudyante sa Mindanao sa bagong programang nagpapalakas ng kaalaman sa digital, tamang paggamit ng AI, at pagnenegosyo.
Inilunsad ang programang tinawag na Project Pastil matapos ang pagdiriwang ng Safer Internet Day 2026.
Pinangunahan ito ng Globe Telecom at Ayala Foundation sa University of Southern Mindanao sa bayan ng Kabacan.
Ayon sa mga organizer, kinuha ang pangalang “Pastil” mula sa murang pagkain ng mga estudyante bilang simbolo ng pagbibigay kaalaman sa kabataan.
Layunin ng programa na turuan ang mga estudyante na maging responsable sa paggamit ng internet at labanan ang online abuso sa kabataan.
Ginawang pilot area ang University of Southern Mindanao na kilala sa mga programa nito sa agham, teknolohiya, at agrikultura.
Nagsagawa rin ang Globe ng training sa ilalim ng Digital Thumbprint Program tungkol sa online safety, cybersecurity, at tamang paggamit ng AI.
Umabot sa 40 student leaders at estudyante ang lumahok sa workshop.
Tinuruan sila ng mga paraan kung paano maging ligtas at responsable sa paggamit ng digital platforms sa eskwela at komunidad.
Kasama rin sa programa ang Globe Ambassador Program kung saan binigyan ang piling estudyante ng SIM card at 5G smartphones.
Layunin nito na mabigyan sila ng dagdag kaalaman at pagkakakitaan habang nag-aaral.
Ayon sa Globe, mahalaga ang tamang gabay sa paggamit ng teknolohiya para sa magandang kinabukasan ng kabataan.
Suportado naman ng unibersidad ang programa dahil makakatulong ito sa pag-aaral at kabuhayan ng mga estudyante.
Inaasahan na palalawakin pa ang Project Pastil sa iba pang lugar upang mas marami pang kabataan ang matulungan.
















