Nasabat ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang limang high-powered firearms at iba pang kagamitang pandigma sa isinagawang combat patrol sa Barangay Gadungan, Talitay, Maguindanao del Norte noong March 20, 2026.

Ayon sa ulat, agad rumesponde ang mga sundalo mula sa 1st Mechanized Infantry (Lakan) Battalion matapos makatanggap ng impormasyon mula sa komunidad hinggil sa presensya ng isang armadong grupo sa lugar. Ngunit pagdating ng tropa, mabilis na nagtakbuhan ang mga suspek at iniwan ang kanilang mga armas.

Bagama’t nagsagawa ng hot pursuit operation ang militar, hindi na naabutan ang mga tumakas. Sa isinagawang clearing operations, narekober ang isang M16A1 rifle, isang M14 rifle, dalawang M653 carbine, isang M79 grenade launcher, 21 magazine, at tatlong 40mm rifle grenades.

Patuloy naman ang isinasagawang operasyon ng militar upang matunton ang mga responsable at matiyak ang kapayapaan sa lugar, lalo na sa pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan.

Nanawagan din ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa mga kinauukulan at hinikayat ang mga armadong grupo na sumuko at magbalik-loob sa batas.