Sinimulan ngayong araw sa Cotabato City ang Operation Baklas ng Commission on Elections (COMELEC), kung saan tinanggal ang mga campaign posters na nakalagay sa mga hindi tamang lugar at hindi sumusunod sa mga alituntunin ng COMELEC.

Pinangunahan ng Acting City Election Officer, Atty. Dindo Maglasang, at COMELEC BARMM Regional Director, Atty. Ray Sumalipao ang nasabing operasyon.

Kasama nila ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Ministry of Public Works (MPW), City Engineering Office (CEO), City Environment and Natural Resources Office (CENRO), Cotabato City Police Office (CCPO), at Marine Battalion Landing Team 5 (MBLT-5).

Ang layunin ng Operation Baklas ay tiyakin na ang mga campaign materials ng mga kandidato ay nasa tamang lugar at hindi nakakalat sa mga lugar na hindi awtorisado.


Kasabay nito, ipinapaalala ng COMELEC sa lahat ng kandidato na magsimula na ng kanilang kampanya ngayong Pebrero 11, 2025, na magtatagal hanggang Mayo 10, 2025.

Ang operasyon ay bahagi ng pagsisikap na magkaroon ng maayos, payapa, at patas na halalan sa darating na Mayo.

Hinihikayat ng COMELEC ang lahat na sumunod sa mga patakaran upang matiyak ang isang malinis na proseso ng pangangampanya.