Pinagsama-sama ng Bangsamoro Youth Commission ang ilang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan at mga kinatawan ng accredited youth organizations para sa Youth, Peace and Security Hero 2025 Project Bootcamp na isinagawa sa Cotabato City mula Marso 2 hanggang 4.

‎‎Layunin ng tatlong araw na pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng mga kabataang lider sa pagbuo ng mga proyektong makatutulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Bangsamoro region.

‎‎Bahagi ng bootcamp ang paglinang sa mga panukalang youth-led projects upang matiyak na nakaayon ang mga ito sa Bangsamoro Action Plan on Youth, Peace and Security at iba pang mahahalagang policy framework sa rehiyon.

‎‎Dumaan ang mga kalahok sa serye ng mga lecture at workshop hinggil sa kasaysayan ng Bangsamoro, problem analysis, stakeholder mapping, project management, at social media advocacy.‎‎

Tinuruan din ang mga kabataan ng tamang paraan ng project pitching upang epektibong maipresenta ang kanilang mga inisyatiba para sa kapayapaan at kaunlaran ng komunidad.‎‎

Nakiisa rin sa programa ang Development Academy of the Philippines na nagpakilala ng BAGANI Fellowship Program bilang karagdagang oportunidad sa leadership at capability development ng mga kabataan sa Bangsamoro.