Matagumpay na narekober ng tropa ng pamahalaan ang ilang kagamitang pandigma sa isang operasyon sa Sitio Kimondo, Barangay Lagandang, Isulan, Sultan Kudarat noong Hulyo 28, 2025.
Batay sa ulat mula sa 7th Infantry (Tapat) Battalion ng Philippine Army, isang kasapi ng peace-inclined group ang nagbigay ng impormasyon hinggil sa umano’y pagkakabaon ng mga armas sa nasabing lugar. Kaagad na nagsagawa ng clearing operation ang mga sundalo upang beripikahin ang ulat.
Sa isinagawang operasyon, natagpuan ng tropa ang ilang armas na nakasilid sa mga sako at itinago sa ilalim ng mga bato. Kabilang sa mga narekober ang dalawang improvised caliber .50 rifles, isang improvised M79 grenade launcher, at tatlong improvised rocket-propelled grenade (RPG) launchers.
Ang mga kagamitang pandigma ay dinala sa kampo ng 7IB para sa masusing dokumentasyon at imbentaryo.
Ayon kay Brigadier General Michael A. Santos, Commander ng 603rd Persuader Brigade, ang pagkakarekober ng mga armas ay isang mahalagang tagumpay sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon. Aniya, kung ang mga ito ay napunta sa kamay ng mga armadong grupo, maaaring maraming inosente ang nalagay sa panganib.
Samantala, iginiit ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, na hindi titigil ang militar sa pagtugis sa mga grupong nagtatago ng mga ilegal na armas.
“Sa tulong ng ating mga kababayan, mas mabilis nating natutukoy ang mga banta sa seguridad. Bahagi ito ng ating kolektibong adhikain para sa tunay na kapayapaan,” pahayag ni Maj. Gen. Gumiran.
Hinimok rin ng heneral ang mga indibidwal na patuloy pang nagtatago ng mga armas na kusang-loob na itong isuko upang makaiwas sa pananagutan. Tiniyak niya na mananatiling aktibo ang mga tropa ng Joint Task Force Central at 6ID sa pagpapatupad ng peace and security operations para sa kaligtasan ng buong rehiyon.