Panibagong karahasan na naman laban sa mga katutubo ang naitala ng mga otoridad sa lalawigan ng Maguindanao del Sur partikular na sa bayan ng Datu Hoffer.

Sa inilabas na pahayag ng pagkondena ni Ministry of Indigenous Peoples Affair o MIPA Minister Melanio Ulama, kinilala nito ang mga tinambangan patay na sina Ricky Tapioc at Cita Angan habang sugatan at nakaligtas naman sa pananambang sina Saber Zacaria at Kutang Tilok na mga kasapi ng Dulangan Manobo tribe.

Sa ulat, galing ito sa Municipal Hall ng bayan matapos na kumuha ng ayuda bago magtanghali nitong Disyembre 19 ngunit ng sila ay pauwi na ay tinambangan na ito ng mga di pa batid ang pagkakakilanlan na mga suspek sa Barangay Sayap.

Si Cita ay asawa ng una na ring napaslang na tribal leader na si Baywan Angan noong Disyembre 7 sa Barangay Mantao at may motibong away lupa ang dahilan ng pagkakapaslang sa mister nito. Dahil dito, humiling si Ulama ng aksyon sa mga autoridad upang matiyak na ligtas ang mga katutubo maging ang kumunidad nito.