Nagdaos ng mapayapang kilos-protesta ngayong umaga, Oktubre 1, 2025, ang ilang lider at miyembro ng mga katutubong komunidad sa harapan ng tanggapan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa Kidapawan City.

Layon ng protesta na ipanawagan ang patas na pagtrato sa lahat ng tribu sa lungsod. Ayon sa mga lider-katutubo, kinukuwestiyon nila ang umano’y pagiging pabor-pabor ng ilang desisyon ng NCIP na para lamang umano sa ilang piling grupo.

Iginiit ng mga nagprotesta na nararapat mamagitan si NCIP Commissioner Nancy Catamco upang tiyakin na pantay ang representasyon at benepisyo ng lahat ng katutubong komunidad sa Kidapawan.

Hiling din ng mga katutubo ang mas makatarungan at transparent na proseso sa mga usaping may kinalaman sa ancestral domain, kultura, at mga programang nakalaan sa mga Indigenous Peoples (IP).

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang NCIP Provincial Office ukol sa isyu. Nananatiling maayos ang sitwasyon sa lugar at nagpapatuloy ang panawagan ng mga katutubong lider para sa dayalogo at agarang aksyon mula sa ahensya.