Dinagsa ng mga mananampalataya ang iba’t ibang simbahan sa lungsod ngayong Linggo ng Palaspas bilang pagsisimula ng Semana Santa.

Maagang nagtipon ang mga Katoliko bitbit ang kanilang mga palaspas upang makiisa sa banal na misa at tradisyunal na pagbabasbas.

Sinundan ito ng prusisyon at pagwawagayway ng palaspas bilang simbolo ng mainit na pagtanggap kay Hesus.

Ayon kay Archbishop Charlie Malapitan Inzon, ang pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas ay paggunita sa pagpasok ni Hesus sa Jerusalem at pagtanggap niya sa misyon ng pagpapakasakit para sa sangkatauhan.

Dagdag pa ng Arsobispo, dito nagsisimula ang Semana Santa kung saan ginugunita ang mahahalagang pangyayari sa buhay ni Kristo, lalo na ang kanyang paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay.

Sa mga simbahan sa Cotabato City, naging maayos ang daloy ng mga misa habang mahigpit ding pinaalalahanan ang mga deboto na panatilihin ang kaayusan at pagninilay sa buong banal na linggo.

Sa kabila ng init ng panahon, kapansin-pansin ang patuloy na pagdagsa ng mga deboto—patunay ng matibay na pananampalataya ng mga residente sa lungsod sa pagsisimula ng Semana Santa.