Photo Courtesy: Mark Demayo

Nagbabala si bagong talagang Philippine National Police (PNP) Chief Police General Nicolas Torre III na maaaring sibakin sa serbisyo ang mga pulis na hindi magpapapayat sa loob ng isang taon.

Ayon kay Torre, malinaw sa Section 30 ng Republic Act 6975 o Department of the Interior and Local Government Act of 1990 na kailangang ang timbang ng isang aplikante o miyembro ng PNP ay hindi hihigit o kukulang ng limang kilo mula sa itinakdang standard base sa kanilang taas, edad, at kasarian.

Sa ilalim ng internal guidelines ng PNP, bibigyan ng anim na buwan hanggang isang taon ang mga pulis na lampas sa tamang timbang para ayusin ito. Ngunit kung bigo pa rin sila makamit ang standard weight matapos ang panahong ito, maaari na silang tanggalin sa serbisyo.

“Kapag lumampas sa isang taon at walang pagbabago, posibleng masibak na sila,” saad ni Torre sa isang panayam.

Nilinaw naman niya na para sa mga may karamdaman o medikal na dahilan, maaaring ikonsidera ang complete disability discharge o ilipat sila sa mga desk assignment o gawaing administratibo. Aniya, kokonsultahin pa rin nila ang National Police Commission (NAPOLCOM) ukol dito.

Inaatasan din ni Torre ang lahat ng pulis na panatilihin ang pisikal na kalusugan dahil may epekto ito sa kanilang promosyon at disiplina, na repleksyon din sa imahe ng kapulisan sa publiko.