Dalawampu’t anim (26) na mga loose firearms ang isinuko sa himpilan ng 57th Infantry (Masikap) Battalion sa isang simpleng seremonya na isinagawa sa Municipal Gym ng Barangay Romongaob, South Upi, Maguindanao del Sur, nitong ika-21 ng Oktubre 2024.
Ayon kay Lt. Col. Aeron T. Gumabao, pinuno ng 57IB, ang mas pinaigting na kampanya ng kasundaluhan laban sa loose firearms, sa pamamagitan ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program, ang nagtulak sa mga residente na boluntaryong isuko ang kanilang mga armas.
Kabilang sa mga isinukong baril ay: isang 5.56 MM M16A1 na may M203 Grenade Launcher, dalawang Cal. 30 Garand Rifle, tatlong M1 Carbine, tatlong 7.62MM M14 Sniper Rifle, tatlong M79 Grenade Launcher, isang Cal. .38 Revolver, isang Cal. .22 Revolver, isang Cal. .45 Pistol, isang 9mm UZI at sampung 12-Gauge Shotguns.
Ang mga naturang baril ay pormal na iprinisinta kay Brigadier General Michael A. Santos, Commander ng 603rd Brigade, at kay Hon. Reynalbert O. Insular, Chairman ng Municipal Task Force to End Local Armed Conflict (MTF-ELCAC) at alkalde ng South Upi, sa kauna-unahang pagpupulong ng bagong binuong Municipal Task Force to End Local Armed Conflict (MTF-ELAC) sa bayan.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Brig. Gen. Santos ang kahalagahan ng patuloy na pagsuporta ng mga lokal na pamahalaan at komunidad sa kampanya laban sa paglaganap ng mga loose firearms.
“Ang pagsuko ng mga baril ay patunay ng tumataas na tiwala ng ating mga kababayan sa kapayapaan at kaayusan na isinusulong natin. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at kasundaluhan, nakikita natin ang pangmatagalang epekto ng kampanya kontra sa loose firearms at sa pagsugpo sa local armed conflict,” ani Brig. Gen. Santos.
Samantala, pinuri ni Major General Antonio G. Nafarrete PA, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang aktibong partisipasyon ng mga lokal na opisyal at ang tulong ng komunidad sa pagsuko ng mga loose firearms.
“Ang inyong pagsuporta sa mga inisyatiba ng kasundaluhan ay mahalaga sa ating layunin na makamit ang tuluyang kapayapaan at seguridad sa buong rehiyon. Ang pagtutulungan ng bawat isa, kasama ang mga lokal na lider at mga mamamayan, ay susi upang mapanumbalik ang kapayapaan sa mga lugar na apektado ng kaguluhan,” pahayag ni Maj. Gen. Nafarrete.
Ang mga baril na isinuko ay sumasailalim na ngayon sa kaukulang pagsusuri ng mga awtoridad.